"Bam-sak"

image of Kian Delos Santos
Kian Delos Santos

Here is a poem I wrote which I think is appropriate for the theme of the issue. It's a poem I wrote after the tragic death of Kian Delos Santos. An innocent life lost in the war against the poor.

“Bam-sak”
ni Christian G. Catinguil

Madalas ko takpan ang mga mata noong bata pa,
Nakatungo at hingal, naririnig sa paligid ang yapak ng mga paa.
Bumibilang ng lima, apat … tatlo, dalawa, isa.
Tsaka ididilat ang mga mata, at magliliwanag na.
Sisimulan na, ang larong Bam-sak,
Mga anino sa dilim, at mga matang tumitingin.
Lilingon, ngingiti— kahit ako ang taya,
dahil ngayong gabi, ako ang taga-tugis at pasya.
Tahimik ang paligid, dahil lahat sila ay nagtatago na,
makakakita ng iilang kaibigan, at pipiliing barilin ay sa dulo na.
Dahil sa batas ng Bam-sak, talo ang nabaril na na-una,
kaya’t hindi babarilin ang mga kasabawatan, at bubulagin ang mata.
Isa, dalawa, tatlo … apat, lima. Bilang ko na sila,
alam kung saan nagtatago, at handang sila ay barilin na.
Idinistansya ang sarili, atsaka sinimulan,
pagkanta ng tunog Bang!—na may lirikong mga pangalan.

Pinilit takpan ang mga mata, “hawakan mo ang baril, bata ka!”,
nakatungo at sakal, naririnig sa paligid ang hiyawan ng mga tao.
“Tumakbo ka!” lima, apat … tatlo, dalawa, isa
bumagal ang tibok ng puso, at mata’y nagdidilim na.
Sisimulan na, at hindi ito laro,
mga anino sa dilim, at mga matang tumitingin.
Hindi lilingon, hindi ngingiti— dahil ako ang taya,
dahil ngayong gabi, sila ang taga-tugis at pasya.
Tahimik ang paligid, dahil lahat sila ay nagtatago na,
makakakita ng iilang kaibigan, ngunit hindi na tutulungan pa.
Dahil sa batas nila, tayo ang mababaril at mapupuna,
Hindi babarilin ang mga kasabawatan, at bubulagin ang masa.
Apat, lima, anim … pito-- pitong-libo. Hindi ko na sila mabilang.
Alam kung saan tayo nagtatago, at handang tayo ay barilin na.
Ididistansya nila ang sarili, atsaka sisimulan.
Paghagupit ng tunog Bang!—na may kasunod na libong mga pangalan.

Previous
Previous

A Report from the Malaya Movement in Texas

Next
Next

Duterte’s Dictatorship Aggravates Public Health Crisis